DA, NAKIISA SA PAGDIRIWANG NG ANIMAL WELFARE WEEK

Nagsagawa ng libreng anti-rabies vaccination para sa aso at pusa ang Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DA RFO 2) bilang bahagi ng selebrasyon ng Animal Welfare Week.

Ginanap ang libreng anti-rabbies vaccination sa DA Multi-purpose gymnasium sa San Gabriel, Tuguegarao City kahapon kasabay ang pagbubukas ng selebrasyon.Ito ay magtatagal hanggang bukas, Oktubre 7, 2022.

Kaugnay nito,hinikayat ni Dr. Manuel Galang, Jr. ng DA RFO ang mga may alagang aso’t pusa na samantalahin ang libreng serbisyo at pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop.

Ginugunita ang Animal Welfare Week ngayong Oktubre 3-9, 2022 na naglalayong ikampanya at suportahan ang mga karapatan ng hayop.

Nakatuon ito sa pagtataguyod ng makataong pagtrato sa lahat ng uri ng hayop, kabilang ang mga alagang hayop, hayop sa bukid, wildlife, at maging ang mga ginagamit para sa medikal na pananaliksik at pagsusuri.

Ang Animal Welfare Week ay ginaganap upang turuan ang masa sa malupit na pagtrato sa mga hayop at para itaguyod ang kanilang mga karapatan.

Ito ay isang linggo para sa pagpapalaganap ng mensahe ng kabaitan, katarungan, at proteksyon para sa lahat ng buhay na nilalang.

Sinabi din ni Dr. Galang na patuloy ang DA sa pagsasagawa ng mga programa at aktibidad na naglalayong protektahan ang mga hayop laban sa kalupitan sa pamamagitan ng edukasyon at adbokasiya.

Facebook Comments