SUSPEK SA PAMAMARIL SA BAYAN NG TUAO, ARESTADO

21
Arestado ang isang lalaki matapos ang pamamaril sa isang negosyante sa Brgy. Babalag, Rizal, Kalinga kamakailan.

Kinilala ang biktima na si alyas Jake, 70 taong gulang, may asawa, negosyante at residente ng Centro 1, Tuao, Cagayan habang ang suspek naman ay kinilala bilang si alyas Dante, nasa tamang edad at residente ng Barangay Lallayug, Tuao, Cagayan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Tuao, nagduduyan ang biktima sa harap ng kanyang gilingan ng palay nang biglang sumulpot ang suspek at binaril ito sa mukha bandang alas 3:30 ng hapon noong Lunes, Oktubre 3, 2022.

Nagtamo ng sugat sa itaas ng labi ang biktima habang ang suspek ay agad namang tumakas sakay ang kanyang motorsiklo.

Naisugod naman ang biktima sa Tuao District Hospital na kalauna’y inilipat sa Cagayan Valley Medical Center, Tuguegarao City para sa agarang medikal na atensyon.

Samantala, sa pamamagitan ng impormasyong natanggap mula sa mapagkakatiwalaang “source” ay napag-alaman na nagtatago ang suspek sa isang lugar sa Babalag, Rizal, Kalinga.



Nang magtungo sa naiulat ng lugar, nagpositibo na nandoon ang suspek kung saan nadakip si alyas Dante ng mga tauhan ng PNP Tuao katuwang ang Rizal PS- Kalinga.

Maayos namang isinuko ng suspek ang sarili at dinala sa Tuao Police Station para sa tamang disposisyon.

Narekober din ang get away motorcycle ng suspek sa mismong tirahan nito sa Barangay Lallayug, Tuao, Cagayan.

Ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong “Frustrated Murder” habang ang biktima nito ay nasa “intensive care unit” pa rin ng CVMC.

Facebook Comments