*Cauayan City, Isabela*- Naaalarma ngayon ang pamunuan ng Department of Agriculture Region 2 sa mga naitatalang kaso ng African Swine Fever sa ilang lugar sa bansa.
Ayon kay Regional Director Narciso Edillo ng DA Region 2, muli itong nagsagawa ng pagpupulong sa mga Local Executives at mga kapitan ng barangay para tiyakin ang hindi pagkakaroon ng kaso ng ASF sa buong rehiyon.
Sinabi pa ni RD Edillo na masusi nilang minomonitor ang mga babuyan sa lambak ng Cagayan para maiwasan ang naturang sakit sa mga baboy.
Inatasan nito ang lahat ng LGUs na kumuha ng blood sampling sa mga baboy para isailalim sa analysis.
Nagpaalala pa ito sa publiko na iwasan ang pagpapakain ng pinaghugasan na mga tiring pagkain para masiguro ang hindi pagkakasakit ng alagang baboy.
Kamakailan lang ay sinunog at ibinaon sa lupa ang may mahigit sa 100 baboy mula sa Pangasinan dahil sa positibo ang mga ito sa African Swine Fever.