Dagdag pondo para sa militarisasyon, ibubunga ng dagdag na EDCA bases sa bansa

Ibinabala ni Assistant Minority Leader and Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas ang pagbuhos ng pera ng taongbayan sa operasyon ng mga sundalong Amerikano.

Inihayag ito ni Brosas kasunod ng pagdagdag ng apat na military bases sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Diin ni Brosas, pati ang tubig, kuryente at iba pang operational costs ng EDCA military bases ay gagastusan mula sa buwis ng mamamayang Pilipino sa halip na ilaan ang salapi na pantulong sa mga mahihirap nating kababayan.


Tinukoy pa ni Brosas na sa ilalim ng 2019 national budget ay naglaan ang pamahalaan ng ₱124 million bilang EDCA counterpart fund at bukod pa ito sa iba pang gastos sa operasyon ng EDCA bases.

Ang masaklap, ayon kay Brosas ay hindi naman para sa interes ng mamamayang Pilipino ang operasyong militar ng Amerika sa bansa kundi para sa interes nito laban sa Tsina at para bentahan din tayo ng luma at sobra-sobra nilang kagamitang pandigma.`

Facebook Comments