DAGUPAN CITY POLICE, NAGBABALA KONTRA HOARDING NG GASOLINA AT PRODUKTONG PETROLYO

Nagbabala ang Dagupan City Police Office laban sa hoarding o pag-iimbak ng gasolina at iba pang produktong petrolyo kasabay ng pagpapatupad ng mga hakbang ng Department of Energy laban sa ganitong gawain.

Ayon sa pulisya, ang pag-iimbak ng labis na suplay ng gasolina ay maaaring magdulot ng hindi patas na distribusyon at lumikha ng artipisyal na kakulangan sa suplay ng petrolyo.

Kaugnay nito, inatasan ang mga himpilan ng pulisya sa lungsod na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay upang bantayan ang mga gasolinahan at mga lugar na maaaring pag-imbakan ng gasolina.

Pinaalalahanan din ang publiko na ang ilegal na pagbebenta at pananamantala sa suplay ng petrolyo ay paglabag sa mga umiiral na batas tulad ng Batas Pambansa Blg. 33 at Presidential Decree No. 1865.

Hinimok ng pulisya ang publiko na iwasan ang panic buying at makiisa sa mga hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na suplay ng enerhiya sa gitna ng pagtaas ng presyo dahil sa kaguluhan sa Middle East. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments