
Naglabas ng Holiday Cybersecurity Tips ang Dagupan City Police Office (CPO) upang paalalahanan ang publiko laban sa iba’t ibang online scam ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ayon sa Dagupan CPO, kabilang sa karaniwang modus ng mga manloloko ang pekeng raffle o holiday rewards, pekeng QR code scam, pekeng delivery o courier notification, pekeng online shopping promos, at phishing scams.
Madalas umano itong ginagawa sa pamamagitan ng mga pekeng email o text na nagpapanggap na mula sa delivery services, bangko, o e-wallet, at hinihikayat ang biktima na mag-click ng link o mag-verify ng account.
Mayroon ding mga scam kung saan gumagawa ang mga manloloko ng pekeng online shop o advertisement na nag-aalok ng malaking diskwento. Kapag nakabayad na ang biktima, bigla na lamang nawawala ang nagbebenta.
Sa ibang kaso naman, sinasabihan ang biktima na sila ay nanalo ng premyo ngunit kinakailangang magbayad ng “processing fee” o magbigay ng personal na impormasyon.
Bilang paalala, pinayuhan ng Dagupan CPO ang publiko na huwag magbigay ng personal o bank information, iwasang mag-click ng mga “claim prize” na link, maging mapanuri sa maling baybay o gramatika sa mensahe, huwag magbayad ng anumang bayarin para makuha ang premyo, at huwag mag-scan ng QR code mula sa hindi kilalang pinanggalingan.
Hinimok din ang publiko na maging mapagmatyag at agad i-report sa awtoridad ang mga kahina-hinalang mensahe o online transaksyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









