DAHIL SA ASF, AKLAN ISINAILALIM NA SA STATE OF CALAMITY

Kalibo, Aklan – Isinailalim na sa State of Calamity ang lalawigan ng Aklan dahil sa African Swine Fever ASF outbreak. Ayon kay Dra. Mabel Siñel, ng Office of the Provincial Veterinarian OPVET, 7 bayan na sa Aklan ang infected ng ASF virus. Ito’y mga bayan ng Balete, Tangalan, Makato, Numancia, Kalibo, Batan at New Washington. Sa bayan ng Balete apektado umano ng ASF ang barangay Morales at Arcangel. Bayan ng Tangalan, barangay Dap-Dap, Tundog, Bay-Bay at Tamalagon. Bayan ng Makato, barangay Alibagon. Bayan ng Numancia, barangay Navitas at Albasan. Bayan ng Kalibo, barangay Caano. Sa bayan ng Batan, barangay Magpag-ong at sa bayan ng New Washington, barangay Mabilo. Bilang mitigating measures nagsagawa na aniya sila ng disinfections at 426 baboy umano ang isinailalim nila sa mass culling o pinatay bago sinunog. 288 dito ay mula sa Balete at 138 ay galing naman sa bayan ng Tangalan. Sa mga apektadong hog raisers magbibigay umano ang gobyerno probinsyal ng Aklan ng P2,000 sa mga nag aalaga ng native at P3,000 sa mga nag aalaga naman ng mga upgraded na baboy. Nagpromisa din umano si Uswag Ilonggo Partylist Representative James Ang Jr. ng P5,000 financial assistance/ household na naapektuhan ng ASF. Ayon pa kay Dra. Siñel, makakatanggap naman ng insurance ang hog raisers sa Aklan na apektado ng ASF kung nakapag painsured sila sa PCIC. Pahayag naman ni Provincial Risk Reduction and Management Council PDRRMC Head Galo Ibardolaza, ang kahilingan ni Governor Jose Enrique Miraflores sa Sangguniang Panlalawigan na ideklara ang buong lalawigan ng Aklan na Under State of Calamity ay tamang hakbang para magamit ang porsyon ng 5% quick response fund mula sa 30% calamity fund ng lalawigan para sa pagresponde laban sa ASF.
Facebook Comments