Nagbitiw na sa puwesto ang pinuno ng Philippine Military Academy kasunod ng pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio noong nakaraang linggo dahil sa hazing.
Sa ginanap na press conference nitong Martes ng umaga, inihayag ni PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista na kusa siyang nag-resign dahil sa “command responsibility”.
Ayon pa kay Evangelista, hindi siya “prinessure” o pinilit umalis ng sinuman.
Dagdag ng opisyal, nararapat lamang na gawin niya ito matapos ang sinapit ni Dormitorio sa loob ng institusyon.
Inanunsyo nito ang kaniyang pagbaba sa puwesto sa isang press conference sa lungsod ng Baguio kaninang umaga.
Matatandaang iginiit ni Presidential Chief Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo na dapat umalis sa posisyon si Evangelista kung hindi niya alam ang mga nangyayari sa pinamamahalaang akademiya.
Samantala, ngayong araw sasampahan ng kaso ang tatlong kadete na itinurong nagsagawa ng hazing kay Dormitorio.
Haharap din sa kaukulang parusa at kasong administratibo ang iba pang kadete na may alam sa naganap na pambubugbog.