Dalawang Sasakyan at Isang Kuliglig, Nagsalpukan sa Sta. Maria, Isabela!

*Sta Maria, Isabela- *Patuloy na iniimbestigahan ng PNP Sta Maria ang naganap na pagtagilid ng isang pampasaherong bus na galing ng Sta. Ana, Cagayan matapos masalpok ng isang sasakyan ang sinusundang kuliglig sa pambansang lansangan ng Brgy. Naganacan, Sta Maria, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Police Major Roberto Guiyab, hepe ng PNP Sta. Maria, bandang 8:30 kagabi nang maganap ang insidente kung saan kasalukuyang nagpapagaling ang driver ng kuliglig na si Bilyo Danga ng Brgy. Naruangan, Tuao, Cagayan maging ang isa pang sakay nito.

Ayon kay P/Maj. Guiyab, parehong binabaybay ng kuliglig at Toyota Fortuner na minamaneho ni Jerome Wangdali, 47 anyos, walang asawa at residente ng Sta. Teresa, Iguig, Cagayan ang kahabaan ng Brgy Naganacan nang aksidenteng mabangga ng Fortuner ang likurang bahagi ng kuliglig na patungo sana sa Enrile, Cagayan.


Dahil dito, umikot ang Fortuner at napunta sa kabilang linya na nagresulta sa kanilang salpukan ng paparating na Florida bus na minamaneho naman ni Eupiniano Pira, 38 anyos, residente ng Brgy. Isca, Gonzaga, Cagayan.

Kaugnay nito, pumutok ang gulong sa harapan ng bus matapos tangkaing umiwas sa Fortuner na nagresulta sa pagtagilid nito.

Nagtamo naman ng mga minor injuries ang sakay ng bus habang nasa malalang kondisyon ang dalawang sakay ng kuliglig matapos na tumilapon sa daan.

Paalala naman ni P/Major Guiyab sa mga motorista na pag-ibayuhin ang pag-iingat sa pagmamaneho at inalerto na rin ang kanyang tropa sa maigting na pagbabantay at pagbibigay ng tulong sa anumang hindi inaasahang insidente.

Facebook Comments