City of Ilagan, Isabela – Nasampahan ng kasong pagpatay ang dating barangay kapitan at dalawang tanod ng Barangay Batong Labang, City of Ilagan matapos lumabas ang resolusyon ng piskalya kaugnay sa pagpatay sa isang aktibista na si Rommel De Guzman o kilala sa tawag na Buhawi.
Unang nagsampa ng reklamong pagpatay ang ina ni Rommel De Guzman na si Beatriz De Guzman laban sa dating kapitan na si Florante Baesa na ngayon ay isa ng kagawad sa nasabing barangay at sa dalawang barangay tanod na sina Marlon Agdigos at Onyok Mauricio.
Kinumpirma ni Isabela NBI Provincial Director Timoteo Rejano na nitong nakaraang araw ay naisampa na ang kasong murder sa pamamagitan ng piskalya laban sa tatlong akusado.
Sinabi pa ni NBI Provincial Director Rejano na anumang oras ay lalabas ang warrant of arrest laban sa tatlong akusado at walang nairekomendang piyansa sa kanilang kaso.
Aniya, malaking bagay ang paglabas ng resolusyon dahil kahit binawi ng kanilang principal witness ang kanyang unang sinumpaang salaysay ay nabigyan parin ito ng pansin ng City Prosecutors Office ang salaysay ng isa pang testigo.
Sa salaysay ng testigo na siyang ginamit ng NBI na suporta sa kanilang isinampang kaso, ay nag-abot si Kapitan Baesa ng apatnapung libong piso (Php40, 000.00) sa dalawang tanod bilang kabayaran sa kanilang gagawing pagpatay kay Buhawi gamit ang isang shotgun.
Matatandaan na pinaslang si Buhawi noong April 6, 2018 sa loob ng kanyang bahay na ang itinuro ng testigo na bumaril ay ang dalawang barangay tanod na sina Agdigos at Mauricio.