Cauayan City, Isabela- Iginiit ng dating miyembro ng NPA na si Ivylyn ‘Ka Red’ Corpin na mayroon talagang panghihikayat na nagaganap sa loob ng ilang unibersidad gaya ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at University of the Philippines (UP).
Ito ay dahil sa kaliwa’t kanang usapin sa pagpapawalang-bisa sa kasunduan DND at UP Accord.
Ayon kay ‘ka Red’, totoo ang ginagawang panghihikayat sa mga estudyante ng mga komunistang grupo partikular sa mga Pamantasan.
Paliwanag ng dating NPA, hindi basta-basta nakakapasok ang NPA kung ang gagamitin lamang nilang pagkakakilanlan ay ang bahagi sila ng komunistang grupo.
Dahil dito, ilan sa mga ginagamit ng mga miyembro ng NPA para makapasok sa mga unibersidad ay ang pagiging bahagi sila ng mga grupo gaya ng Kabataan Partylist, Migrante Youth, Gabriela at iba pa.
Kung susuriin aniya, higit na nasasaktan ang mga grupong tumututol sa pagbuwag sa UP-DND gaya ng AnakBayan na sinasabing binuo bilang legal front ng CPP-NPA para makapanghikayat ng mga mag-aaral.
Samantala, itinanggi naman ni ‘Ka Red’ na nagpapagamit siya sa militar dahil ang tanging gusto lang niya ay maging katuwang ng gobyerno na ipalaganap ang totoong sitwasyon noong panahon na siya ay miyembro pa ng rebeldeng grupo.
Hinimok din niya ang mga mag-aaral ng UP na tumindig para wakasan ang ginagawang panghihikayat ng mga rebeldeng grupo sa loob ng paaralan.
Pabor naman si Cagayan Governor Manuel Mamba sa pagpapawalang bisa ng UP-DND Accord dahil batid nito na kadalasan na ang mga kadre ng CPP-NPA ay nagmumula sa Unibersidad ng Pilipinas na umuuwi sa probinsya.