Muling naungkat ang dating kasong kinasangkutan ng aktor na si Kit Thompson na may kinalaman sa paggamit sa iligal na droga.
Ito ay matapos arestuhin si Kit dahil sa reklamong pananakit sa kaniyang kasintahan na si Ana Jalandoni sa kwarto ng isang hotel sa Tagaytay City.
Batay sa ulat ng Tagaytay City Police Office, nakatanggap sila ng tawag hinggil sa paghingi ng saklolo ni Ana dahil sa bantang papatayin umano siya ni Kit.
Dito na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya kung saan naabutang nanghihina at hindi halos makahinga ang biktima nang ito’y kanilang sagipin sa naturang hotel sa Barangay Silang Crossing East.
Matatandaan, taong 2014, sa edad na 17 taong gulang nang makasama si Kit sa mga naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil nahuli umano silang gumagamit ng marijuana sa isang music festival.
Dahil menor de edad pa ang aktor, hindi siya pinangalanan ng isang opisyal ng PDEA.
Pero kinumpirma nitong teen actor na napapanood sa isang TV series at produkto ng isang reality show ang inaresto nila at dinala sa DSWD sa San Fernando, Pampanga.
Kung saan, kinumpirma ito ni Kit taong 2018 na nagkwento siya patungkol sa pagkakaaresto sa kaniya noong February 2014 dahil sa paggamit ng marijuana, kasunod ang pangakong hindi na niya uulitin ang nagawang pagkakamali.
Sa ngayon, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o ang Violence Against Women and Children si Kit matapos magsampa ng kaso si Ana laban sa kaniya.