
Nagbitiw sa pwesto si dating PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma dahil hindi nito kinaya ang politika.
Ito ang nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos palitan ni Dr. Edwin Mercado sa puwesto si Ledesma nitong February 4.
Ayon kay Pangulong Marcos, tila nahirapan si Ledesma sa kaniyang tungkulin sa gitna ng mga kontrobersiyang kinahaharap ng institusyon.
Dagdag pa ng Pangulo, mukhang hindi sanay si Ledesma sa politika kaya nanibago o naguluhan ito sa transition patungong serbisyo publiko mula sa pribadong sektor.
Pero hindi idinetalye ng Pangulo kung anong uri ng politika ang tinukoy nito na dahilan sa pag-alis ng dating pinuno ng PhilHealth.
Kumpiyansa naman ang Pangulo sa bagong PhilHealth president na kaya nitong pasiglahin ang ahensiya dahil malawak ang karanasan nito sa healthcare.