Deadline ng SIM registration, dapat palawigin hanggang Agosto

Nanawagan si Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Miguel Almario sa Department of Information and Communications Technology o DICT na palawigin hanggang August 24, 2023 ang deadline ng SIM Registration na nakatakda ngayong Abril 26.

Apela ito ni Almario, makaraang ihayag ng DICT na hanggang sa ngayon ay 36.79% pa lang ang SIM registry turnout.

Diin ni Almario, malinaw sa Section 4 ng SIM Registration Act na maaring dagdagan ng 120 days ang panahon ng pagpaparehistro ng SIM cards.


Sabi ni Almario, sinadya nilang ipinaloob sa probisyon ng batas ang dagdag na 120 days sa pagpaparehistro dahil nakita nilang posibleng magkaroon ng mababang turnout ng registrants lalo na sa mga naninirahan sa malalayong lugar.

Sabi ni Almario, ang apat na buwang extension ay magagamit sa pagplano at paglatag ng mga estratehiya para mapahusay ang SIM registration.

Kaugnay nito ay hiniling ni Almario sa public telecommunications entities na palakasin pa ang information campaign sa kanilang subscribers.

Bukod dito ay pinapatiyak naman ni Almario sa DICT, Department of the Interior and Local Government (DILG) National Telecommunications Commission (NTC) at sa Department of Education (DepEd) ang pagkakaroon ng SIM registration facilities sa mga lugar na limitado o walang internet access.

Facebook Comments