Kalibo, Aklan — Mas tumaas ang kaso ng dengue sa probinsya ng Aklan ngayong morbidity week no. 8 mula Enero 1 hanggang Pebrero 25, 2023. Sa panayam ng RMN DYKR kay Mr. Roger Debuque, Health Program Officer II mula sa Provincial Health Office — Aklan, sa kaparehong morbidity week no. 8 noong nakaraang taon, mayroon lamang na 6 cases ng dengue ang naitala habang ngayong taon naman ay mayroong 120 dengue cases. Sa kabilang banda, mayroong dalawang death case, pero nasa ilalim pa ito ng case investigation o di kaya ay dengue death review. Samantala, halos lahat ng LGU ay mayroong kaso ng dengue. Ang ginagawang pamamaraan ng PHO-Aklan para maiwasan ang pagtaas ng dengue cases ay ang pagmonitor sa mga LGU, pag-attend sa mga Local Health Board, pagdala sa pagpupulong ng asosasyon ng mga Barangay Captains, upang maipaabot ng mga ito sa komunidad ang dapat na gawin para maiwasan ang pagtaas ng dengue cases. Maliban dito, mayroon ding advocacy ang PHO-AKLAN upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng dengue, at ito ay ang 4S na ibig sabihin ay: 1.) Search and Destroy, hanapin ang mga pwedeng itlugan ng mga lamok, katulad na lamang ng mga bote, gulong, stagnant water, at kung ano pa ang pwede maitlogan ng mga lamok ay dapat sirain, o di kaya ay baliktarin upang hindi bahayan ng mga lamok. 2.) Seek Early Consultation, sa lahat ng mga mamamayan na nakakaramdam ng lagnat, pananakit ng katawan, masakit ang likurang parte ng mata, at nagsusuka, ay agad na magpa-konsulta sa doktor upang hindi maglala ang nasabing sakit. 3.) Self Protection, maglagay ng mga anti-mosquito lotion, magsuot ng mga pantalon o di kaya ay long sleeves, at kung matutulog ay gumamit ng mosquito net. 4.) Say yes to fogging, ito ang proseso na kailangang gawin kung mayroong banta na magkakaroon ng dengue outbreak ang isang barangay. Ngunit kung nasa mababang bilang pa lamang ang kaso ng dengue, ay search and destroy ang kailangang gawin. Samantala sa tala ng PHO-Aklan, ang bayan ng Ibajay ang may pinakamataas na kaso na 32 dengue cases, sunod ang bayan ng Nabas ay mayroong 18, Kalibo – 15 , New Washington – 12, Balete – 7, Batan at Banga – 6, Libacao – 5, Altavas – 4, Numancia, Malay, Makato at Malinao – 3, Tangalan, Madalag, Lezo at Buruanga – 1. Pinapaalalahanan naman ng PHO-Aklan ang mga Aklanon sa pamamagitan ni Mr. Roger Debuque, na dapat makilahok ang lahat upang maiwasan ang pagtaas ng kaso dengue sa tinatawag na 4 o’clock habit, na ang ibig sabihin ay maglinis tuwing alas 4 ng hapon, at kailangan ring sundin ang 4S, upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng dengue.
Facebook Comments