“Effective immediately” ang deployment ban para sa mga first-time applicant na nais magtrabaho bilang household service workers sa Kuwait.
Ito ang nilinaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Hans Leo Cacdac.
Sa interview ng RMN DZXL 558, sinabi ni Cacdac na habang may deployment ban ay patuloy na tinututukan ng ahensya ang pagpapatupad ng mga reporma upang mapaigting ang proteksyon ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Kuwait.
Kabilang dito ang pagpapaigting ng proteksyon sa kontrata, insurance sa trabaho at day off, paniniguro na malinis ang track record ng mga recruitment agency at pagpapaigting ng monitoring.
Tiniyak din ng DMW ang pagbibigay ng hustisya sa mga OFW na nabibiktima ng pagmamaltrato ng kanilang employer.
Una nang nilinaw ng ahensya na hindi sakop ng deployment ban ang mga dati nang nagtatrabaho sa Kuwait na nagre-renew lang ng kanilang kontrata.
Habang ang mga bagong aplikante ay aalukin na lamang na magtrabaho sa ibang bansa gaya ng Hong Kong at Singapore na may mas maayos na protection mechanism sa mga OFW.