
Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na epektibo bukas, January 16, 2026, maaari nang pumasok ng Pilipinas sa loob ng 14 na araw ang Chinese nationals nang hindi kailangang kumuha ng visa.
Layon nito na mapalakas ang trade, investments, at turismo, gayundin ang tinatawag na people-to-people exchanges sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon sa DFA, partikular na bukas ang visa-free entry privilege sa Chinese nationals na papasok ng Pilipinas para sa turismo at business purposes.
Nilinaw din ng DFA na ang visa-free privilege ay valid para sa entry lamang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Metro Manila at sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) in Cebu.
Ang kailangan lamang gawin ng Chinese nationals ay magpakita ng passport, kumpirmadong hotel accommodation/booking, at return ticket pabalik ng kanilang susunod na destinasyon na bansa.
Tiniyak naman ng DFA na mahigpit na susuriin ng Bureau of Immigration (BI) kung may derogatory records ang biyaherong Tsino na papasok sa Pilipinas.
Tatagal ang visa-free entry arrangement sa loob ng isang taon at ire-review ito bago mapaso.










