Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magsasagawa ito ng ‘autopsy’ sa mga nasa likod ng data breach sa passport system.
Sinabi ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. – aalamin din nila kung sino ang mga sinasabing ‘dilawan’ na bumuo ng service contract para sa manufacture ng e-passport.
Dagdag pa ng kalihim – dapat maayos na imbestigahan ito ng Senado para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa krimen at masampahan agad ng kaukulang kaso ng Department of Justice (DOJ).
Ang problemang kinakaharap ng DFA ay nagsimula sa administrasyon ni dating pangulo at ngayon House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at lumala pa sa ilalim ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Tiniyak ni Locsin na mareresolba ito sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at hindi na mauulit pa.
Nabatid na ang dating private contractor na Oberthur ay kinuha ang lahat ng passport data nang kinansela ang kontrata nito para bigyang daan ang pagpasok ng Apo Printing Unit, isang maliit na dibisyon sa ilalim ng Presidential Communications Office.
Ang Oberthur ay isang French company na kinuha ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pamamagitan ng bidding para mag-supply ng mga materyales na kakailanganin para sa produksyon ng e-passport.
Ang BSP ay ang opisyal na taga-imprenta ng Philippine passport mula 2006 hanggang 2015. Ang kasunduan nito sa DFA ay napaso na tatlong taon ang nakalilipas para bigyang daan ang pagpasok ng Apo.