
Mahigpit ang babala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga kandidato na gagamit ng text blast machines sa panahon ng kampanya ngayong 2025 Midterm Elections.
Ito’y kasunod na rin ng pagkakaaresto sa isang Malaysian National na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng text blast machine online.
Ayon kay DICT Sec. Ivan Uy, kanilang aalamin kung paanong naipupuslit ang ganitong uri ng device sa bansa.
Sinabi pa nito na may natanggap silang impormasyon na mabenta ang ganitong klaseng equipment sa ilang politiko tuwing sasapit ang eleksyon.
Babala nito, ang mga kandidatong mananalo gamit ang iligal na paraan ay walang respeto sa batas at maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
Kahapon nadakip ng mga awtoridad ang isang Malaysian National na nagbebenta ng text blast machine at nahaharap na sa patong-patong na kaso.