
Tumangging magkomento ang Embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas kaugnay sa kahihinatnan ng desisyon ni US President Donald Trump na suspendihin sa loob ng 90 araw ang foreign development aid.
Isa ito sa naging unang hakbang ng bagong pangulo ng Amerika matapos siyang makabalik sa pwesto nitong Lunes.
Ayon sa US Embassy, mainam na sa White House na mismo malaman ang magiging implikasyon ng kautusan ni Trump sa mga programa ng US government sa Pilipinas.
Batay sa executive order na ni Trump, agarang ihihinto ang mga new obligations at disbursements ng development assistance funds, pero walang malinaw na nakalagay kung anong programa, mga bansa, non-governmental organizations, at international organizations ang maaapektuhan nito.
Batay sa website na foreignassistance.gov ng US Department of State, nasa $144 million ang nakalaan na pondo sa Pilipinas noong nakaraang taon para sa iba’t ibang mga programa.