Pinag-aaralan ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawigin ang deadline ng SIM registration.
Matatandaang itinakda ng gobyerno sa April 26 ang palugit sa pagpaparehistro ng SIM card ng mga subscriber.
Pero, nitong March 7, 25 percent pa lamang ng 169 million SIM ang rehistrado.
Sa isang statement, sinabi ng DICT na plano nito na i-extend ng 120 days ang SIM registration process.
Batay sa datos ng DICT, may kabuuang 41,471,503 subscribers ang nakapagrehistro ng kanilang SIM at nairehistro sa system na katumbas ng 24.54% ng kabuuang 168,977,773 million subscribers sa buong bansa.
Ang kabuuang bilang ay mula sa pinagsama-samang datos ng mga lokal na PTEs: Smart Communications Inc., Globe Telecom Inc., and DITO Telecommunity Corp.
Ang Smart Communications Inc. ay nag-ulat ng kabuuang 21,115,477 SIMs na nairehistro na may katumbas na 31.05% ng kanilang kabuuang 67,995,734 subscribers.
Ang Globe Telecom Inc. ay nakapagtala ng 17,206,202 SIM registrations na katumbas ng 19.58% ng kabuuang 87,873,936 subscribers ng Globe.
Ang DITO Telecommunity Corp. ay nakapagtala ng kabuuang 3,149,824 SIM registrations o katumbas ng 24.02% ng kanilang 13,108,103 subscribers.