DILG, nilinaw na hindi otorisado ang vaccination exception card na umano’y rehistrado sa ilang LGUs

Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa sinasabing “COVID-19 vaccination exemption cards” na maaring napasakamay na ng ilang unvaccinated individuals.

Ito’y upang makatanggap ng mga pribilehiyo o makaiwas sa mga umiiral na quarantine rules o mapaikutan ang “No vaccination, No ride” Policy ng Department of Transportation (DOTr).

Nilinaw ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na walang iniisyung vaccination exception card ang gobyerno.


Kung mayroon man aniyang nag-iisyu nito, hindi ito otorisado.

Unang kumalat ang “exemption cards” matapos na maging usap-usapan ito sa ilang Facebook groups at group chats sa Region 11 at 12.

Sinasabing rehistrado umano ito sa Local Government Units (LGUs) o kinikilala ng local authorities kapalit ng COVID-19 vaccination cards.

Giit ni Malaya, isa itong malaking kalokohan.

Hinding-hindi mag-iisyu ng exemption ang pamahalaan kanino man dahil sasalungat ito sa layon ng pambansang pamahalaan na mabakunahan na ang lahat bilang proteksyon laban sa iba’t ibang COVID-19 variants.

Nananawagan ang DILG sa publiko na huwag magpapaniwala sa mga taong nagpapakalat ng “COVID-19 vax exemption cards”.

Payo ni Malaya sa publiko, agad na i-report sa mga otoridad sakaling mayroong ganitong insidente sa kanilang mga lugar.

Inatasan din ng DILG ang LGUs na maging mabusisi sa pag-iinspeksyon ng mga vaccination card dahil baka nalulusutan na ang ilang lugar ng mga hindi pa nababakunahan.

Facebook Comments