Idineklara ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang Disyembre 26 ng bawat taon bilang “Speaker Jose de Venecia Day” bilang pagkilala sa naging ambag at serbisyo ng dating House Speaker sa lungsod at sa buong bansa.
Ayon sa ordinansang inakda nina Konsehal Luis Samson Jr. at Michael Fernandez, ang araw na ito ay magiging isang espesyal na working day na nakalaan para sa paggunita sa buhay, pamumuno, at dedikasyon ni De Venecia sa serbisyo publiko.
Kasabay nito, itinatag din ang taunang “Speaker Jose de Venecia Leadership and Public Service Commemoration,” na magsisilbing plataporma para sa mga lecture, youth forums, at iba pang aktibidad na magpapalakas sa pamumuno at civic engagement ng mga Dagupeño, lalo na ng kabataan.
Si De Venecia, na ipinanganak sa Dagupan noong Disyembre 26, 1936, ang pinakamahabang nagsilbing Speaker ng House of Representatives sa bansa. Pumanaw siya noong Pebrero 10 at inilibing sa Libingan ng mga Bayani noong Pebrero 18.
Layunin ng paggunita na ipaalala sa mga susunod na henerasyon ang kanyang pamumuno, integridad, at ang mahalagang papel niya sa pagbangon ng Dagupan matapos ang lindol noong 1990. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










