
Muling siniguro ng Department of Migrant Workers (DMW) ang tulong para sa mga tripulanteng Pinoy na apektado ng nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, pinirmahan na niya ang Advisory No. 11 na naglalagay sa Persian Gulf, Strait of Hormuz at Gulf of Oman bilang “Warlike Operations Areas,” o mga lugar na may mataas na panganib dahil sa tumitinding sitwasyon sa rehiyon.
Sa ilalim nito, may karapatan aniya ang mga Pilipinong tripulante na tumangging maglayag o dumaan sa mga nasabing lugar dahil sa banta sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Cacdac, ang hakbang na ito ay alinsunod sa klasipikasyon ng International Bargaining Forum (IBF) na nagdeklara sa naturang mga karagatan bilang war-risk zones dahil sa dumaraming pag-atake sa mga barko.
Kaugnay nito, inaatasan din ang mga shipowner na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad para sa mga barkong daraan sa mga lugar na ito.
Tiniyak naman ng kalihim na makatatanggap ng dobleng kompensasyon ang mga pamilya ng tripulante sakaling masawi o magkaroon ng disability habang nasa itinuturing na war-risk zone.










