
Cauayan City – Nagpaalala muli sa publiko ang Department of Health Cagayan Valley kaugnay sa banta ng Dengue ngayong maulang panahon.
Pinaalalahanan ng kagawaran ang publiko na kaagad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center oras na makaranas ng sintomas ng Dengue katulad na lamang ng pananakit ng tiyan o katawan, pagkahilo o pagsusuka, pagdugo ng gilagid, dugo sa dumi, panghihina, pagdugo ng ilong, lagnat, at pagpapantal.
Ang agarang pagpapasuri sa doktor ay upang hindi na lumala ang sakit dahil ang paglala ng dengue ay nakamamatay.
Nakukuha ang sakit na ito sa kagat ng lamok na may dalang dengue na karaniwang namumugad sa maruruming lugar o sa lugar na may naipong tubig.
Upang maprotektahan ang sarili laban sa kagat ng lamok, maaaring magsuot ng mahahabang damit katulad ng longsleeves, pantalon o pajama, ginamit ng insect repellent, at kulambo kapag matutulog.
Ugaliin rin na maging malinis sa paligid sa pamamagitan ng paglilinis o pagtatapon ng tubig na naimbak sa isang lugar upang hindi ito pamugaran ng lamok na may dalang Dengue.