PHILRICE, IPINAKILALA ANG BAGONG TEKNOLOHIYA SA PAGTATANIM NG PALAY

Cauayan City – Ipinakilala ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice)-Isabela ang pinakabagong teknolohiya at makinarya para mapataas ang produksyon ng palay sa ginanap na Lakbay Palay 2025.

Dinaluhan naman ito ng mahigit 1,000 magsasaka mula sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.

Pinuri ni Valentino Perdido, focal person ng Masagana Rice Industry Development Program (DA-MRIDP), ang PhilRice at mga lider-magsasaka sa kanilang interes sa makabagong paraan ng pagtatanim.

Ipinakilala ng PhilRice ang mga teknolohiyang ginagamit sa pagtatanim ng pigmented, glutinous, at aromatic rice varieties, pati na rin sa produksyon ng gulay tulad ng ampalaya, kamatis, at sili.

Pinalawak din ng institusyon ang kanilang presentasyon sa produksyon ng tupa, vermicomposting, biocomposting, vertical hydroponics, drip irrigation, at solar-powered pumps.

Ipinakita rin ang mga makabagong makinarya para sa pagtatanim ng palay, kabilang ang laser-guided land leveler, rice seed dispenser, at rice planter.

Ayon kay Perdido, ang Lakbay Palay ay isang magandang pagkakataon upang hikayatin ang mga magsasaka at kanilang samahan na gamitin ang makabagong teknolohiya upang mapalakas ang produksyon ng bigas at makatulong sa seguridad sa pagkain ng bansa.

Facebook Comments