Kinumpirma ng Department of Health na empleyado nila ang isang doktor na naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang buy-bust operation sa Mandaluyong.
Ayon sa official statement na inilabas ng DOH-Metro Manila Center For Health Development dismayado sila nangyaring insidente kung saan nasangkot ang kanilang empleyado na si Dr. Vanjoe De Guzman sa transaksyon ng illegal na droga.
Pero paglilinaw ng DOH-Metro Manila Center Health Development, naka awol status si De Guzman simula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Sa kabila anila ng maraming direktiba na bumalik sa trabaho ay hindi na ito muling nag report pa dahilan para iproseso ng opisina ang order of separation bilang parte ng proseso ng pagtatanggal sa kanya sa serbisyo.
Nanindigan ang DOH-Metro Manila Center Health Development na suportado nila ang drug war ng pangulo at lahat ng empleyado ng kanilang ahensya ay sumasailalim sa random drug testing.
Matatandaang nasangkot si Dr. De Guzman sa isang buy-bust operation ng PDEA nitong Feb 27 sa isang condominium sa Mandaluyong City.