Habang papalapit ang bakasyon at dumarami ang mga batang nais mag-swimming at maglaro sa tubig, nagpaalala ang Department of Health Regional Office 1 sa publiko na maging mas maingat upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.
Ayon sa DOH, mahalagang tandaan at isagawa ang 5B’s ng Drowning Prevention upang mapanatiling ligtas ang mga bata habang nag-eenjoy sa kanilang bakasyon. Layunin ng kampanyang ito na mabawasan ang mga aksidente sa tubig sa pamamagitan ng tamang gabay at pag-iingat mula sa mga magulang at tagapag-alaga.
Kabilang sa mga paalala ang patuloy na pagbabantay sa mga batang naliligo o naglalaro malapit sa tubig, paggamit ng angkop na safety equipment kung kinakailangan, at pagtiyak na ligtas ang lugar na pinagtatagpuan ng mga aktibidad sa tubig tulad ng mga swimming pool, ilog, at dalampasigan.
Iwasan din ang paglangoy habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak at pagtatakip sa mga balon o drum na maaaring maging mapanganib sa mga kabataan.
Binibigyang-diin din ng DOH na mahalagang turuan ang mga bata ng wastong paglangoy at mga pangunahing kaalaman sa water safety. Sa ganitong paraan, mas magiging handa ang mga ito sa pagharap sa anumang sitwasyon habang nasa tubig.
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simpleng hakbang ng 5B’s ng Drowning Prevention, inaasahang mas magiging ligtas at masaya ang bakasyon ng mga bata at kanilang mga pamilya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








