DOH, sisimulan na ang monitoring sa mga firework related injury ngayong kapaskuhan

Uumpisahan na ng Department of Health (DOH) ang monitoring at regular na pag-uulat hinggil sa mga “firework related injury” o mga kasong may kinalaman sa pagpapaputok ngayong panahon ng Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ang kanilang hakbang ay bilang bahagi ng “Iwas Paputok Campaign”.

Ang paglalabas ng ulat hinggil sa Fireworks-Related Injury o FWRI surveillance ay mula Disyembre 21 hanggang Enero 6, 2022 kung saan kakalap ng mga datos ang DOH hinggil sa mga biktima ng mga paputok o may kaugnayan dito.


Ang online daily reporting ay mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-5:59 ng umaga kinabukasan at ang mga report ay inaasahang magmumula sa 61 mga hospital sa buong bansa.

Bukod sa paglalabas ng arawang ulat, ikukumpara rin ng DOH ang mga datos sa record noong mga nakalipas na taon.

Muli namang paalala ng DOH, maaaring ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon nang ligtas; umiwas sa disgrasya o aksidente sa pamamagitan nang hindi na paggamit ng mga paputok at pyrotechnic devices; at isaalang-alang ang mga mahal sa buhay at ang kapwa.

Giit pa ni Vergeire, isipin din sana ang posibleng gastos sa pagpapa-ospital nang dahil sa paputok at ang magiging resulta nito.

Facebook Comments