Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) na maghahain na ng extradition request ang Estados Unidos para kay Pastor Apollo Quiboloy.
Pero ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kailangan munang harapin ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader ang kaniyang mga kaso rito sa Pilipinas.
Sabi ni Remulla, may kasunduan kasi ang Pilipinas at Estados Unidos kaugnay sa extradition at bahagi ito ng batas dito sa bansa.
Sa kabila niyan, dapat muna raw managot si Quiboloy sa mga reklamong kinakaharap dito sa Pilipinas lalo na’t pinahirapan nito ang mga awtoridad sa paghahanap gayong susuko naman pala kalaunan.
Sa ngayon, ipinag-utos na ng kalihim sa prosecutors na ihanda ang lahat ng ebidensiya kaugnay sa mga kaso kay Quiboloy.
Naaresto si Quiboloy at ang apat nitong kapwa akusado matapos paligiran ang KOJC Compound sa Davao City sa loob ng mahigit dalawang linggo.
Nahaharap ang mga ito sa kasong child and sexual abuse at qualified human trafficking dito sa Pilipinas habang may patung-patong din na kaso sa Estados Unidos at nasa wanted list ng Federal Bureau of Investigation.