DOJ, kinumpirmang nakalabas na ng bansa si alyas “Jacky Co” na sinasabing may-ari ng shabu shipment na isinilid sa magnetic lifters

Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na batay sa record ng Bureau of Immigration (BI) ay nakaalis na ng Pilipinas noon pang March 2019 ang nagngangalang Xu Zhijian alyas “Jacky Co” na sinasabing may-ari ng shabu shipment na isinilid sa mga magnetic lifter.

Habang ang isa pa sa mga akusado na si Julie Hao Gamboa ay nagtangka rin aniyang lumabas ng bansa noong November 2019 pero hindi ito nakaalis dahil sa hold departure order laban sa kanya.

Naungkat ang isyu laban kina Jacky Co at Julie Gamboa makaraang nabuhay muli ang isyu ng paghahanap kay Peter Lim na sinasabing supplier ng droga ni Kerwin Espinosa na bigtime drug lord naman sa Eastern Visayas at sa ilang bahagi ng Mindanao.


Magugunitang sinampahan ng kaso sa DOJ sina Co, Gamboa at 15 iba pa dahil sa P1.8 bilyong shabu shipment na pinadaan sa Manila International Container Port noong March 22, 2018.

Pero matapos ang serye ng mga preliminary hearings ng DOJ ay na-dismiss noong December 17, 2019 ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inabswelto naman sa kaso sina Meldy Sayson, Rhea Tolosa, Edgardo Dominado, Jerry Siguenza, Debbie Joy Aceron, Julie Gamboa at alyas Dong-An Dong, pero iniutos ng DOJ Panel of Prosecutors na iakyat sa korte ang kaso laban sa sampung iba pa.

Facebook Comments