
Patuloy pa ang ginagawang pagsusuri ng Department of Justice (DOJ) sa extradition request ng Estados Unidos kay Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ay matapos kumpirmahin ng kagawaran noong Agosto na pormal nang hiniling ng Amerika na dalhin sa kanila si Quiboloy para lisitin sa mga kinakaharap na kaso roon.
Ayon kay DOJ Undersecretary Ian Norman Dato, wala silang timeline kaugnay dito dahil ayaw nilang maging hilaw ang petisyon na ihahain sa korte.
Una nang sinabi ng Justice Department na bago pagbigyan ang hiling ay kailangang suriin kung pasok ito sa kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos at ihahain din muna sa regional trial court.
Pero maaari pa rin daw itong iapela ng kampo ni Quiboloy sakaling maaprubahan ang kaniyang extradition.
Si Quiboloy ay nahaharap sa patung-patong na kaso gaya ng sex trafficking, fraud at pagpupuslit ng pera sa Estados Unidos.










