Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) para pamunuan ang inter-agency council na siyang magpapatupad ng Program Convergence Budgeting (PCB) para sa mga programa sa kabuhayan at trabaho sa bansa.
Ang PCB approach ay nakatuon sa paggamit ng government resources sa mga pangunahing programa at proyekto kung saan magkakaugnay ang mga departamento o ahensya na may parehong layunin.
Ang pagtatatag ng council ay bahagi ng implementasyon ng PCB na iminungkahi ng Department of Budget and Management (DBM) at inaprubahan ni Pangulong Marcos sa sectoral meeting noong Martes.
Sisilipin ng PCB ang pangangailangan ng pondo para sa kabuhayan at trabaho ng mga benepisyaryo upang maiwasan ang pagdodoble ng mga programa.
Bukod sa DOLE, maaaring italaga ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) o ang Department of Agriculture (DA) bilang tagapangasiwa ng PCB para sa iba’t ibang livelihood at employment programs ng gobyerno.
Samantala, nilinaw ng DBM na hindi na kailangan ng PCB para sa mga feeding programs dahil ang Inter-Agency Task Force on Zero Hunger ay nagsisilbing convergence platform para sa mga nasabing programa.