Umabot sa higit 90,000 mga lugar ng paggawa ang nainspeksyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong taon.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni DOLE Asec. Teresita Cucueco na ito ay lagpas na sa itinakda nilang target na 75,000 inspections.
Ani Cucueco, mataas naman ang compliance rate ng mga kompanya.
Karaniwan nilang sinisilip ang pagsunod sa general labor standards, pagtalima sa pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawa tulad ng leave credits at pagbibigay ng retirement pay at ang COVID monitoring.
Ilan sa mga violations na kanilang nakita sa isinagawang inspeksyon ay mayroon pa ring mga kompanya ang hindi nagre-remit ng pera sa Pag-IBIG, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Social Security System (SSS).
Sa ngayon, sinabi ni Cucueco na tuloy-tuloy lamang ang kanilang mga pag-iinspeksyon, pagbibigay ng mga tamang impormasyon at pagtuturo sa mga may-ari ng negosyo kung papano sila makasusunod sa mga patakaran para mapababa ang peligro ng malantad ang kanilang mga kawani sa COVID-19 at iba pang paglabag sa labor code.