DPWH, ininspeksyon ang mga ospital na nasa ilalim ng konstruksyon; Sec. Dizon, pinuna ang mabagal na konstruksyon ng isang gusali ng ospital

Ininspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang mga ginagawang gusali sa mga ospital sa Quezon City ngayong araw.

Ilan sa mga ininspeksyon ay ang Philippine Children Medical Center (PCMC), Philippine Cancer Center (PCC), at National Kidney and Transplant Institute (NKTI).

Isa sa napuna ng kalihim ang mabagal na konstruksyon ng gusali ng PCMC kung saan umabot na ito ng walong taon.

Ayon kay Dizon na isa sa nakikita niyang dahilan sa mabagal na konstruksyon ng mga gusali ay dahil sa patingi-tinging pagpondo sa mga ito at inililipat sa ibang proyekto na nagiging daan umano para makapangnakaw.

Target ng DPWH at Department of Health (DOH) na matapos ang konstruksyon ng PCMC sa first half ng taon.

Habang kinakailangan naman ng 1.5 hanggang 1.8 bilyong pisong pondo sa nagpapatuloy na konstruksyon ng 20 palapag na ospital ng PCC kung saan nasa mahigit 3 bilyong piso ang kabuuang pondo ng proyekto na target na matapos sa katapusan sa susunod na taon.

Samantala, tiniyak naman ni Dizon na sasailalim sa imbestigasyon ang mga nakatenggang proyekto at pati na rin ang kalidad ng mga ito.

Sa susunod na linggo naman ay magtutungo ang kalihim sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila para mag-inspeksyon sa itinatayong bagong gusali.

Facebook Comments