Sinita ni Senator Robin Padilla sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga nasirang paaralan sa Nueva Ecija.
Dito ay ipinakita ni Padilla ang mga larawan ng mga paaralan sa Gapan, Nueva Ecija na sinira ng Bagyong Karding noong Setyembre kung saan wasak, bali-baliko ang mga bakal ng covered court at bumagsak ang bubungan.
Nakwestyon ng senador ang ahensya kung bakit wasak na wasak ang mga eskwelahan na malamang ay itinayo gamit ang kakayahan ng mga inhinyero at arkitekto habang ang mga bahay malapit sa nasirang paaralan ay hindi man lang napabagsak ng bagyo.
Hiniling ni Padilla na imbestigahan ang mga itinatayong paaralan dahil sa malamang ito ay gawa mula sa mga substandard na materyales.
Sinangayunan naman ni DPWH Sec. Manuel Bonoan ang mungkahi ng senador dahil mismong siya ay naguluhan kung bakit ang mga itinayong eskwelahan ay basta na lamang nasira ng bagyo.