Isinama na ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa kanilang plano ang pagsasagawa ng “drive-thru COVID-19 vaccination” para sa mga residente nilang senior citizens at Persons With Disabilities (PWDs).
Sa pahayag ni Mayor Isko Moreno, nakalatag na talaga ang kanilang drive-thru vaccination para sa mga nakatatanda at may kapansanan bilang konsiderasyon na rin sa kanilang kalagayan.
Subalit hindi pa nila ito maipatupad dahil sa kulang pa rin ang kanilang suplay ng mga COVID-19 vaccine.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na kailangan pa rin maghintay sa panibagong batch ng mga bakuna na ibibigay sa lokal na pamahalaan.
Sa kabila nito, sinabi ni Mayor Isko na sa kasalukuyan ay mayroon ang lungsod ng Maynila ng hindi bababa sa 18 na vaccination sites para mabilis ang pagbabakuna sakaling may dumating ng suplay nito.
Mayroon na rin silang ginagawang home vaccination program para naman sa mga bed-ridden na mga residente ng lungsod.
Base naman sa inilabas na datos ng Manila Local Government Unit (LGU), nasa higit 318,000 na mga residente na ang nagparehistro para magpabakuna habang ang mga indibidwal na nakakuha na ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine ay umabot na sa higit 14,000.