Dumepensa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa napaulat na pagkatanggal sa 1,200 na manggagawang Contract of Service.
Sa isang kalatas nilinaw ng DSWD na bagamat may pagbaba sa bilang ng mga COS workers sa ahensiya ito ay hindi dahil sa pag-alis sa ilan sa kanila.
Mula Hunyo 2018 hanggang Marso 2019, may 876 na manggagawang COS ang nabigyan ng permanent, casual, contractual, coterminous positions.
Ayon pa sa ahensya, ang pagbaba sa inaprubahang budget para sa taong 2019 para sa Sustainable Livelihood Program ang dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga posisyong para sa mga COS.
Nalalapit na rin ang pagtatapos ng implementasyon ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services kung saan karamihan sa mga manggagawa ay mga COS.
Kusa rin ang pagbibitiw ng mga manggagawang COS na karamihan ay lumipat sa ibang ahensiya ng gobyerno o kaya ay sa pribadong sektor.
Sa katunayan, dahil patuloy na lumalawak ang sakop ng mga programa ng ahensiya ay mas marami pang manggagawa ang tinatanggap nito.
Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga empleyado ng ahensiya ay umaabot na sa 27,000 na kinabibilangan ng mga permanent, casual, contractual, coterminous, COS o Memorandum of Agreement (MOA) at Job Orders (JOs).