Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na may alituntunin na sinusunod para sa mga probisyon na nakasaad sa ilalim ng programa.
Ayon kay 4Ps Social Marketing Division (SMD) Chief Marie Grace Ponce, dumadaan sa proseso at masusing pinag-aaralan ng pamunuan ng 4Ps ang mga kaso ng ‘non-compliance’, bago pagdesisyunan kung nararapat na tanggalin sa programa ang beneficiary.
Ani Ponce, maaaring matanggal sa 4Ps kung hindi regular na nagko-comply sa mga condition pero may prosesong dapat pagdaanan.
Batay sa ilalim ng Republic Act (RA) 11310, o ang 4Ps Act, ang mga non-compliant beneficiary ay dadaan sa case management upang pag-aralan ang rason ng pagiging non-compliant ng benepisyaryo.
Magbibigay rin ng isang taong palugit o evaluation period ang 4Ps bilang konsiderasyon sa non-compliant beneficiary bago ito tanggalin sa programa.
Ang 4Ps ay isang national poverty reduction strategy and human capital investment program na nagbibigay ng conditional cash transfer sa mga mahihirap na pamilya sa loob ng pitong taon upang mapabuti ang kalusugan, nutrition at edukasyon ng mga bata.