
Aabot sa tatlong libong kabataang indibidwal na nasa low-income households ang nakatakdang makinabang sa temporary paid work program ng pamahalaan.
Ito ay sa sa ilalim ng Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay (KKB) cash-for-work program (CFWP) para sa mga kabataan.
Magiging katuwang dito ng Department of Social Welfare and Development Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (DSWD-KALAHI-CIDSS) ang Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa ilalim ng programa, bibigyan ng mga kaukulang trabaho ang mga benepisyaryo na nasa edad 18 hanggang 30 anyos nang walong oras kada araw at makatatanggap ng minimum daily wage sa National Capital Region (NCR) na nasa P695.
Prayoridad ngayon ng DSWD at DOLE ang mga hindi pa nakakuha ng kaparehong programa noong nakaraang taon.
Habang sumasailalim sa training at job preparation, magbibigay ang KALAHI-CIDSS’ CFWP ng financial assistance para masiguro na matutugunan ang employment-related requirements at personal expenses.










