DSWD, tiwalang matatapos ang pamamahagi ng SAP 2 sa katapusan ng Setyembre

177

Kumpiyansa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makukumpleto nila ang ikalawang tranche ng pamamahagi ng emergency cash subsidies sa ilalim ng Social Amelioration Program bago matapos ang buwan ng Setyembre.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, nasa 13,908,438 SAP 2 beneficiaries ang nakatanggap na ng ayudang nagkakahalaga ng ₱83.1 billion.

Ito ay 98.5% mula sa 14,117,957 target beneficiaries.

Sinabi ni Dumlao na ang pamamaraan nila ng pamamahagi ng ayuda ay digital at manual.

Patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa kanilang partner Financial Service Providers (FSP) para maresolba ang mga kaso ng failed transactional accounts ng mga benepisyaryo kasunod ng kabiguang pagbibigay ng kumpletong personal information.

“Marami pa pong mga accounts ang inaayos ng ating FSP partners lalo po ‘yung mga beneficiaries na may kakulangan sa impormasyon kaya nga po ang kanilang restricted transactional accounts ay hindi pa po successfully processed at ang kanilang ayuda ay hindi pa po nacredit sa kanilang accounts. Ito po ang currently na inaayos natin,” ani Dumlao.

Tiniyak ni Dumlao sa natitirang 209,519 beneficiaries na matatanggap nila ang kanilang ayuda.




“Tinitiyak naman po ng DSWD lalo na po sa ating beneficiaries kung kayo ay kwalipikado at nakatira kayo sa identified ECQ areas, matatanggap nyo po ang inyong ayuda,” sabi ni Dumlao.

Ang manual at digital payout ay magpapatuloy sa National Capital Region, Central Luzon at CALABARZON.

Facebook Comments