DTI Isabela, Nagpaalala sa mga Online Seller na Mahilig sa ‘PM Sent’

Cauayan City, Isabela- Nagbigay paalala ang pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa mga nagbebenta online ngayong sumasailalim pa rin sa Community Quarantine ang probinsya dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Winston Singun, provincial director ng DTI Isabela, mula nang ipatupad ang lockdown ay marami nang indibidwal ang pumasok sa pagbebenta sa online para kumita at nauso na rin ang private message o ‘PM Sent’.

Aniya, kailangang ilagay ng mga online sellers ang presyo at impormasyon ng mga ibinebentang produkto at kung paano ang transaksyon sa pagkuha nito.


Wala dapat aniyang diskriminasyon sa pagbibigay ng presyo at hindi rin ito dapat pabago-bago.

Ito’y para malaman agad ng mga nais bumili ang tunay na presyo ng ibinebenta sa online.

Kaugnay nito, mayroon aniyang karapatan ang mamimili na pumili kung kanino bibili at kung saan makakamura.

Inihayag din nito na mahalagang rehistrado sa DTI ang negosyo online dahil malaki aniya ang tulong nito para sa kabuhayan at sa mga mamimili.

Paaala pa nito sa mga online seller na maging mabusisi sa mga taong binebentahan o kinakatagpo upang hindi mabiktima ng panloloko at hindi rin malagay sa alanganin.

Facebook Comments