Personal na nakiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ng dalawang nasawing piloto sa eroplanong bumagsak sa Brgy. Pansol, Calamba Laguna noong Linggo.
Sa mga litratong inilabas ng Palasyo nitong Biyernes, pumunta muna si Duterte sa burol ni Captain Jesus Hernandez sa San Loreto Chapel, sa Villamor Airbase mortuary, lungsod ng Pasay.
Kasunod nito, nagtungo siya sa Loyola Memorial Park, siyudad ng Parañaque, para masilayan ang labi ni First Officer Lino Cruz II.
Binigyan din ni Duterte ng tulong pinansyal ang mga naulilang kamag-anak ng mga piloto.
Nagsilbing pilot-in-command si Hernandez at co-pilot naman si Cruz nang sinawing-palad na King AIR 350 medical evacuation plane.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, galing sa Dipolog City ang eroplano na papunta sanang Maynila para maghatid ng pasyente.
Ayon pa sa mga saksi, napuna nilang umuusok ang private plane na patungo sa direksyon ng Mount Makiling.
Siyam na katao ang namatay sa nasabing insidente.