Eksaminasyon ng Airforce Dito Rehiyon Dos, Tuloy Bukas

Cauayan City, Isabela –Hindi ipagpapaliban ang nakatakdang eksaminasyon ng mga nagnanais pumasok bilang kasapi ng Philippine Air Force bukas hanggang Linggo dito sa Rehiyon Dos.

Ito ang sinabi ni Col Augusto Padua, ang pinuno ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Airforce sa ginanap na UP UP Isabela media forum ngayong araw, Marso 12, 2020 sa San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Ang Philippine Airforce ay nakatakdang isagawa ang tatlong araw na qualification examination simula bukas Marso 13, 2020 hanggang Linggo Marso 15, 2020 sa ibat ibang bahagi ng bansa.


Sinabi pa ni Colonel Padua na bagamat ikinonsidera ang pagpapaliban sa pagsusuri ay nagdesisyon siya na ipagpatuloy ito dahil gaganapin din naman ang kahalintulad na eksaminasyon sa iba pang lugar ng Pilipinas.

Kung hindi itutuloy sa Cagayan Valley ang pagsusulit ay mawawalan ng pagkakataon ang mga taga rito upang makasama sa mga papasok na bagong kasapi ng Sandatahang Panghimpapawid ng Pilipinas.

Magpagayunpaman ay magsasagawa sila ng mga panuntunan na bahagi ng kanilang paninigurado laban sa COVID 19.

Isa rito ay ang paglalayo nila sa mga aplikante sa pilahan at pagkakaraoon ng distansiya sa mga upuan habang ginagawa ang pagsusulit.

Sa kasalukuyan, bilang bahagi ng kanilang pag-iingat ay sinusuri muna ang temperatura ng sunumang papasok sa loob ng kanilang kampo.

Ang pagsusulit ay gaganapin bukas sa ISU Cauayan Campus, sa Sabado ay sa CSU Carig Campus at babalik dito sa Cauayan ang sa araw ng Linggo sa mga hindi makahabol sa mga araw ng Biernes at Sabado.

Ang sinumang makakapasa sa gagawing pagsusulit ngayong Linggo ay magsasanay simula Agosto 2020.

Samantala, sa ginanap na UP UP Isabela Ika-anim na lipad kaninang umaga ay naging panauhin ang mga kinatawan ng DOLE at TESDA na nagbahagi ng kani-kanilang programang laan para sa mga manggagawa at mga mamamayan may kaugnayan sa trabaho at kaalamang pangkabuhayan.

.

Facebook Comments