Mas pinaigting ang pagtutulungan ng Department of Labor and Employment Regional Office 1 (DOLE RO1) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga pamilya ng Persons Deprived of Liberty (PDL).
Sa isinagawang pag-uusap, sentro ang Help Desk Program ng BJMP na naglalayong maging tulay ng suporta para sa mga pamilyang nawalan ng pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan dahil sa pagkakakulong ng isang miyembro.
Sa ilalim ng programang ito, tinutukoy at inirerekomenda ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang interbensyon at pangmatagalang tulong pangkabuhayan.
Bilang bahagi nito, isang pamilya ng PDL ang isinangguni sa tanggapan para sa masusing profiling upang matukoy ang angkop na programa para sa kanila.
Kabilang sa mga maaaring pagkunan ng ayuda ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD), na parehong nagbibigay ng oportunidad para sa pansamantalang trabaho at panimulang kapital sa maliit na kabuhayan.
Isinasama rin sa pag-aaral ang posibilidad na makinabang ang mga anak ng PDL sa mga programang nagbibigay ng pagkakataong makapagtrabaho at makakuha ng karanasan, gaya ng Special Program for Employment of Students (SPES) at Government Internship Program (GIP).
Layunin ng dalawang ahensya na maibsan ang pasanin ng mga pamilyang apektado at mabigyan sila ng konkretong oportunidad tungo sa mas matatag na kabuhayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










