Suportado ng Department of Energy (DOE) ang isinusulong ng administrasyong Marcos na
National Fiber Backbone o NFB Project na target makumpleto sa 2026.
Ang NFB ay kahalintulad ng national broadband plan na ginawa ng Department Of Information And Communications Technology
(DICT) para mapabilis ang deployment ng fiber optic cable at wireless technology.
Ayon sa DOE, sa layong mapabilis ang proyekto, nagsanib-pwersa na ang DICT at National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Sa ilalim ng lease agreement na nilagdaan sa pagitan nina NGCP President at CEO Anthony Almeda at DICT Secretary Ivan John Uy, gagamitin ang imprastraktura ng NGCP kabilang ang private telecom network infrastructure at substations nito para sa proyekto.
Una na ring inilahad ni Almeda na handa silang tumulong sa National Fiber Backbone Project bilang transformative initiative ng administrasyong Marcos sa layuning mabigyan ng malaking benepisyo ang mga Pilipino.
Kinumpirma rin ng DOE na ang phase 1 ng proyekto ay babagtas mula Laoag Ilocos Norte, hanggang Roces, Quezon City, gamit ang dark fiber ng NGCP at ang mga susunod na yugto ay magko-konekta sa iba’t ibang rehiyon para makapagbigay ng internet access sa mga ahensiya ng gobyerno at mga pampublikong lugar.