
Pinapa-imbestigahan ni Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman sa Kamara ang engkwentro sa pagitan ng pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ikinasawi ng dalawang sundalo at marami ang nasugatan.
Ipinunto ni Hataman na sa panahon ng kapayapaan, ay hindi dapat nagkakaroon ng madugong enkwentro ang pamahalaan at MILF kaya dapat itong masolusyunan upang matiyak na hindi na mauulit at wala ng masasawi.
Sa isinusulong na pagdinig ni Hataman ay target na mabusisi ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na nilagdaan noong 2014 na layuning mapigilan ang ganitong mga engkwentro.
Sa tingin ni Hataman, maaaring hindi naipapatupad ng mahigpit ang nabanggit na kasunduan kaya sumasablay ang mekanismo para sa maayos na koordinasyon sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at MILF.
Ayon kay Hataman sa hearing ng Kamara ay inaasahang matutukoy ang mga butas, hamon, at kahinaan ng polisya na magpapalakas sa security framework at magpapahusay sa intergovernmental coordination sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).