Inihayag ni LTC. Joeboy Kindipan, ang 77IB Battalion Commander, agad umanong ipinagbigay alam ng mga residente sa lugar ang presensya ng hindi pa matukoy na bilang ng mga miyembro ng rebeldeng grupo na kabilang sa Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Tumugon naman sa impormasyon ang mga sundalo na nagresulta ng engkwentro sa pagitan ng pamahalaan at mga komunistang grupo na tumagal sa loob ng 30-minuto.
Dagdag pa ng opisyal, makalipas ang engkwentro, natagpuan naman ng mga awtoridad ang dalawang (2) M16 rifles na may tatlong (3) magazines, dalawang M14 rifles na may dalawang magazine, isang M653 rifle, isang colt 45 na may lamang magazine, isang anti-personnel mine, ilang mga bala, short wire, iba’t ibang medical supply at mga subersibong dokumento.
Sinabi naman ni BGen. Steve Crespillo, ang Commander ng 501st Infantry Brigade, nagpadala na ng karagdagang sundalo sa lugar para tugisin ang mga natitira pang miyembro ng New People’s Army (NPA).
Desperado na rin umano ang makakaliwang grupo sa paghahanap ng kanilang mapagtataguan.
Samantala, pinuri naman ni 5ID Commander MGen. Laurence E Mina ang katapangan ng tropa na humantong sa isa na namang pagkakadiskubre ng mga armas pandigma mula sa komunista at binalaan ang natitira pang miyembro ng makakaliwang grupo na hindi pa huli para magbalik loob sa pamahalaan.
Ayon sa heneral, hindi lamang ito tagumpay ng kasundaluhan kundi tagumpay ng mamamayan.
Titiyakin umano ng tropa ng kasundaluhan na kanilang sisirain ang planong terorismo at iba pang kalupitan sa nalalapit na pagdiriwang ng anibersaryo ng makakaliwang grupo at sa halalan 2022.