Pansamantala munang sinuspinde ni Vice President at kalihim ng Department of Education (DepEd) Sara Duterte ang pasok sa mga paaralan na matinding naapektuhan ng lindol partikular na sa Region 1 at Cordillera.
Ayon sa Vice President at Education Secretary, kaisa siya ng sambayanang Pilipino sa pananalangin para sa mga naapektuhan ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra kaninang umaga.
Kasunod nito, ipinauubaya na rin ni VP Sara sa mga local chief executive ang pagpapasya kung patuloy na sususpindihin o ipagpapatuloy na ang klase at trabaho sa kanilang nasasakupan.
Ang mga lokal na opisyal kasi ang chairperson ng kani-kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Council o LDRRMC.
Kasunod nito, pinagana na rin ng pangalawang pangulo ang mga Disaster Risk Reduction and Management teams ng DepEd para tutukan at aksyunan ang mga apektadong kawani, guro maging ang mga mag-aaral sa kanilang lugar.