
Pinasisilip ni Senator Erwin Tulfo sa Senate Blue Ribbon Committee (BRC) ang tumitinding extortion o pangingikil ng mga opisyal at tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) gamit ang kanilang Letters of Authority o LOA.
Sa natanggap na sumbong ng senador, naging modus na ng ilang taga BIR na mag-isyu ng LOA para makapaningil ng buwis pero sa halip na tamang buwis, mas mababa ang sisingilin, at may kapalit na kotong o kabayaran.
Dumami aniya ang kasong ito ngayong taon at sinamantala na nakatutok ang lahat sa mga anomalya sa flood control projects.
Tinukoy na bukod sa mga malalaking negosyo na binibiktima, hindi na rin pinapalagpas ang mga maliliit na groceries at retail stores.
Ipapatawag sa gagawing imbestigasyon si dating BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., dahil sa pamumuno nito nangyari ang pamamayagpag sa paggamit ng LOA sa extortion.









